Lumayo Ka Nga Sa Akin! Bob Ong

"Hayaan mo, balang araw may mga magmamalasakit din sa henerasyon niyo. Balang araw, magbabago rin ang lahat. Balang araw."


Ipinanganak ako noong 90's, buti na lang. Naaalala ko pa noong hihintayin ko ang yaya namin na pumunta sa palengke para magpabili ng paperdolls sakanya, noong gigising ako ng maaga kahit Sabado at Linggo para abangan ang naglalako ng taho at panoorin ang mga palabas na noo'y sinusubaybayan ko, tuwing gabi naman ay nakakatulog ako sa sala dahil sinusubaybayan ko rin ang mga pang-gabing orihinal na palabas. Naalala ko rin na meron akong isang birthday na hiningi kong regalo ay isang set na pambatang libro. Noong hindi pa uso ang remakes at covers ng mga palabas sa tv, sine at mga kanta. Noong ang laro lang namin ay tagu-taguan at habulan, pisikal man na mga laro ay hindi nila sinasanay ang kagalingan ng mga bata para mag-strategize kung paano sila makakapatay ng kalaban, di kagaya ng mga video games ngayon na puro patayan ang tema. 

Habang tumatanda ako ay pikit-mata ko na palang tinatanggap ang buhay kung saan lahat ay apektado na ng komersiyalismo. Natuwa ako sa mga remakes at covers ng kanta at mga palabas dahil sa isip ko ay ibinabalik ng mga ito ang mga alaala ng nakaraan. Hindi ko naisip na kapag magpapatuloy ang ganitong kalakaran ay mamatay ang sining at panitikan sa bansa. Kasi naman, madali ang pera kung sigurado na kakagatin ng masa ang lumang pormula kaya yon at yon na lamang sila. Nakalimutan ko nang magreklamo kung bakit ba paulit-ulit na lang, bakit puro komersiyalismo ang pina-iiral kaya tuloy siguro ganito ang kinalabasan ng kasalukuyang henerasyon. Sayang dahil napunta tayo sa ganito ka-ignoranteng lipunan at ganoon na lamang kung mang-isa ang mga negosyante (at pulitiko) na nagbabalat-kayo pang concerned kuno sa atin. Nakalimutan na nga yata talaga ng mga tao na magtanong; tanggap na lang ng tanggap at yakap ng yakap ng mga ideya kahit hindi dapat at kahit walang magandang maidudulot.

Sa panahon ngayon, mga gadgets ang isa sa mga pinag-uupunan. At kahit may mga libreng wi-fi na kahit saan ay hindi naman natin nagagamit ng maayos ang teknolohiya, tinuruan lamang nito ang karamihan sa atin na maging tamad at mainipin dahil lahat na halos ay instant kesa lalo pang mapag-yaman ang mga kaalaman. Nakakainis at masakit rin palang tanggapin ang katotohanan na kabilang ako sa mga taong ganyan. Isa ako dun sa mga taong kailangan na himukin para may gawin dahil ang alam ko lang ay magreklamo tungkol sa napakabulok na sistema.

Lahat nang 'yan ay naisip ko matapos kong basahin ang pang-siyam na libro ng isa sa mga paborito kong Pilipinong manunulat: Si Bob Ong.  Kagaya ng mga nauna niyang libro ay isang upuan ko lamang natapos ito, tatlo hanggang apat na oras marahil. Ang kaibahan nga lamang ay para bang naihain na lahat ng mga ideya niya, wala na 'yung kagaya ng dati na talagang mapapa-isip ka pero okay na rin dahil pinagsama-sama niya sa iisang libro ang napakalawak na usapin na kailangan na pagtuunan ng pansin. Kung ano ang mga usapin na 'yon ay iiwan ko na lamang sa'yo, basahin mo 'yung libro.

Lumayo Ka Nga Sa Akin! front cover. O diba, wild? Hahaha. Mali yata na binasa ko 'yan sa may ibang tao na hindi nakakaalam kung anong libro 'yan dahil mahalay ang unang naiisip. 


"Ano ba naman 'yang binabasa mo? Kelan ka pa nahilig sa pocketbook?"

Doon ko nabatid na ang panlabas ng librong ito ni Bob Ong ay iginaya halos sa mga balat ng mga pocketbook ng Precious Heart Romances. Sa pagbasa mo ng mga unang pahina pa lamang nito e makikita na ang kakaiba at kagiliw-giliw na paraan ng pagsusulat niya, kaya nga lang, mas sanay ako doon sa mga una na nagku-kwento mula sa kanyang Punto De Bista (First Person Point-of-View) Hindi sa ayaw ko sa pagbabago ng kanyang paraan ng pagsusulat, kailangan din 'yon para hindi maging nakakaumay lalo na ngayon na nadagdagan pa ang bilang ng kanyang mga isinulat.


"Ako, ang hinahangaan kong tao na mahilig sa libro e' yung may matutunan ka kapag kausap mo, 'yung makikita mong naging marunong at mabuti  siyang tao dahil sa pagbabasa niya ng mga libro."

You Might Also Like

0 comments